Reuters
Ang Reuters (/ROY-terz/) ay isang ahensiyang pampamahayag na pagmamay-ari ng Thomson Reuters.[1][2] Ito ay may humigit-kumulang 2,500 mamamahayag at 600 potograpong mamamahayag na nakatalaga sa humigit-kumulang 200 lokasyon sa buong mundo, na nagsusulat sa 16 na wika.[3] Ang Reuters ay isa sa pinakamalalaking ahensiya ng balita sa buong mundo.[4][5]
Itinatag ang ahensiya sa Londres noong 1851 ni Paul Reuter. Nakuha ito ng Thomson Corporation mula sa Canada sa isang pagsasanib ng korporasyon noong 2008, na nagbunga ng pagkakatatag ng Thomson Reuters Corporation.[5]
Noong Disyembre 2024, napabilang ang Reuters sa ika-27 na pinakabinibisitang websayt ng balita sa buong mundo, na may higit sa 105 milyong mambabasa bawat buwan.[6]
Mga mamamahayag
May humigit-kumulang 2,500 mamamahayag at 600 potograpong mamamahayag[7] ang nagtatrabaho sa Reuters sa halos 200 lokasyon sa buong mundo.[8] Ginagamit ng mga mamamahayag ng Reuters ang Standards and Values (Mga Pamantayan at Kahalagahan) bilang gabay sa makatarungang pag-uulat at pagbubunyag ng mga kaugnay na interes, upang "mapanatili ang mga pagpapahalaga ng integridad at kalayaan na siyang pinagbabatayan ng kanilang reputasyon para sa pagiging mapagkakatiwalaan, tama, mabilis, at eksklusibo."
Noong Mayo 2000, napatay si Kurt Schork, isang Amerikanong mamamahayag, sa isang pananambang habang nasa isang pagtatalaga sa Sierra Leone. Noong Abril at Agosto 2003, napatay naman ang mga news cameraman (tagapagkuha ng bidyong balita) na sina Taras Protsyuk at Mazen Dana sa magkahiwalay na insidente ng mga tropang Amerikano sa Iraq. Noong Hulyo 2007, sina Namir Noor-Eldeen at Saeed Chmagh ay napatay matapos tamaan ng putok mula sa helikopter ng militar ng Estados Unidos (Apache) sa Baghdad.
Noong 2004, napatay si Adlan Khasanov, isang kameraman, ng mga separatistang Chechen, habang si Dhia Najim ay napatay rin sa Iraq. Noong Abril 2008, napatay si Fadel Shana, isang cameraman, sa Piraso ng Gaza matapos tamaan ng putok mula sa tangke ng Israel.
Habang nag-uulat sa Rebolusyong Kultural ng Tsina noong huling bahagi ng dekada 1960 sa Peking para sa Reuters, ikinulong ng pamahalaang Tsino si Anthony Grey, isang mamamahayag, bilang tugon sa pagkakakulong ng ilang mamamahayag na Tsino ng kolonyal na pamahalaang Briton ng Hong Kong. Pinalaya siya matapos ang 27 buwan ng pagkakakulong (mula 1967 hanggang 1969), at pagkaraan ay ginawaran ng OBE (Order of the British Empire o Orden ng Imperyong Britaniko) ng pamahalaang Briton. Matapos mapalaya, naging isa siyang pinakamabentang nobelistang pangkasaysayan.
Noong Mayo 2016, inilathala ng websayt na Myrotvorets ng Ukranya ang mga pangalan at personal na impormasyon ng 4,508 mamamahayag, kabilang ang mga taga-ulat ng Reuters at iba pang kawani ng medya mula sa iba’t ibang panig ng mundo, na kinilala ng mga awtoridad sa mga rehiyong hawak ng mga separatista sa silangang Ukraine.
Noong 2018, dalawang mamamahayag ng Reuters ang nahatulan sa Myanmar dahil sa umano’y pagkuha ng mga lihim ng estado habang iniimbestigahan ang isang masaker sa isang nayon ng mga Rohingya. Mariing kinondena sa buong mundo ang kanilang pagkakaaresto at pagkakahatol bilang isang pag-atake sa kalayaan ng pamamahayag. Ang mga mamamahayag na sina Wa Lone at Kyaw Soe Oo ay tumanggap ng maraming parangal, kabilang ang Foreign Press Association Media Award (Parangal mula sa Samahan ng Banyagang Pamamahayag), Pulitzer Prize for International Reporting (Parangal ng Pulitzer para sa Pandaigdigang Ulat), at kinilalang bahagi ng Time Person of the Year (Indibiduwal ng Taon ng Time) ng 2018 kasama ang iba pang inuusig na mamamahayag. Matapos ang 511 araw sa bilangguan, pinalaya sila noong 7 Mayo 2019 matapos tumanggap ng pampanguluhang pardon o patawad.
Noong Pebrero 2023, ginawaran ang isang pangkat ng mga mamamahayag ng Reuters ng Selden Ring Award dahil sa kanilang imbestigasyon na naglantad ng mga pag-abuso sa karapatang pantao ng militar ng Nigeria.
Mga sanggunian
- ↑ "Thomson Reuters". Britannica (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 7 Nobyembre 2018. Nakuha noong 17 Hunyo 2022.
- ↑ "About us". Reuters (sa wikang Ingles). Nakuha noong 14 Enero 2019.
- ↑ "Reuters the Facts" (PDF). Reuters (sa wikang Ingles). 2017. Nakuha noong 18 Marso 2024.
- ↑ "News agency". Encyclopædia Britannica (sa wikang Ingles). 23 Agosto 2002. Nakuha noong 18 Pebrero 2017.
- ↑ 5.0 5.1 Stephen Brook (30 Mayo 2006). "Reuters recruits 100 journalists". The Guardian (sa wikang Ingles). Nakuha noong 5 Nobyembre 2021.
- ↑ Gazette, Press (2024-12-19). "Top 50 news websites in the world: AP and NBC see more than 50% monthly surge". Press Gazette (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-01-08.
- ↑ "Pictures". Reuters News Agency (sa wikang Ingles). Nakuha noong 17 Disyembre 2020.
- ↑ "Home – Reuters News – The Real World in Real Time". Reuters News Agency (sa wikang Ingles). Nakuha noong 13 Disyembre 2020.